KM3: ‘asan na?

by Ian Austria

Pipi ka ba? Magsalita ang may sagot na “Oo”!

Wala naman akong dapat madinig na sagot sa tanong ko na iyan. Marami naman sa atin ang pinalad na isilang na may boses at pandinig, hindi naging pipi. Ito ay biyaya, biyayang dapat ginagamit ng may hustong husay at kawastuhan, hindi dapat sinasayang.

Ngunit, nasaan na nga ba ang tinig ng iba? Pipi na ba sila?

Ni wala man lang yatang nagtaka na itanong ang bagay na iyan, o hanapin man lang ang taginting ng  tinig na may halaga. Wala.

Napaos na ba ang alingawngaw sa ating puso na mula sa sigaw na dumagundong sa tainga ng mga bingi noon sa may Pugad Lawin?

‘asan na?

E yung tahimik na pag agos ng tinta na nagdulot ng putukan ng riple sa Bagumbayan?

‘asan na?

Nakalimot na ba tayo? Malaya na tayo! Pwede ka na magsalita, may boses ka naman. Gamitin mo.

Kaya may mga bingi, kasi may pipi. Kung hindi nila madining ang iyong sigaw, subukan mong ibulong. Maswerte ka, nandito ka; nagagawa mo ang hindi nagagawa ng iba.

Maging boses ka nila!

Tulungan natin sila. Napipi na sila ng dekadang walang pagbabago. Napagod na din siguro sila. Pero makukuntento na lang ba tayo sa ganung senaryo?

Madaming problema ang mga Pilipino na dapat pag-ukulan ng solusyon ng kinauukulan. Bingi lang sila para hindi bigyan ng atensyon ang mga ito. Hanggang bulong lang kasi at mura sa buntung-hininga ang ginagawa ng Pinoy.

Ngunit kahit isinisigaw na, o nakadami na ding sigaw ang bawat isa na nakakita ng halaga nito, ang lahat ng ito ay nababaliwala pa din.

Kung idadaan kaya natin sa bagong paraan gagana kaya? Hindi mo na kailangan magpaagos at magpaltak ng tinta. Hindi mo na din dapat ikatakot na ikaw ay tumalikod sa pangkat na de-riple. Hindi masamang subukan.

Kung ang tinig ng paghihikahos, kahirapan, at di pag sang-ayon ng ating mga kababayan ay mahina, palakasin natin ito. Tayo na lang ang magsilbing boses nila.

‘asan na?

Dyan magsisimula, kung saan ka nakaupo ngayon at kung anu man ang kaharap mo ngayon.

Advertisements